MAS magiging epektibo ang kampanya ng pamahalaan kontra insureksyon kung gigitna ang nasa 42,000 barangay sa proseso ng pagpapasuko sa mga nalalabing rebelde sa bansa, ayon kay Senador Bong Go kasabay ng panawagan sa gobyerno na tiyakin ang tulong sa mga nagbabalik-loob.
“Dapat ‘yung malalayong barangay, engganyuhin ang mga kababayan natin na naging rebelde na magbalik-loob sa gobyerno,” ayon kay Go.
Ginawa ni Go ang panawagan matapos ang bakbakan sa Bukidnon, kung saan siyam na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang ang tatlong babae, ang nasawi sa engkwentro.
Naganap ang sagupaan sa Malaybalay City, ilang oras matapos ang deklarasyon ng unilateral ceasefire ng komunistang grupo noong Araw ng Pasko.
Para kay Go, higit na angkop palakasin ang mga programa tulad ng Balik-Loob Program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang isang aspeto ng Balik-Loob Program ay ang Balik-Loob Lending Program nito, isang credit facility na inaalok ng LandBank.
Sa ilalim ng LandBank loan program, tampok ang benepisyo ng E-CLIP na naglalayong tulungan ang mga dating rebelde sa pagsisimula ng kanilang mga negosyo na sa huli ay makatutulong sa kanilang maayos na pagbabalik-buhay sibilyan.
Ayon kay Go, ang pagpapahusay sa mga kakayahan at abot ng NTF-ELCAC ay mahalaga sa pagpapaunlad sa mga lugar na naapektuhan ng insureksyon.
Idinagdag niya na sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pag-unlad, ang pinagbabatayan mga kondisyon ng kahirapan na kadalasang nagpapalakas ng suporta sa mga rebeldeng grupo ay mabisang matutugunan.
