
SA halip na mangamba sa di umano’y napipintong laglagan, tinawanan lang si Senate President Francis Escudero ang usap-usapan hinggil sa kudetang naglalayong patalsikin siya sa pwesto.
“Haha… I don’t comment on rumors,” wika ni Escudero hinggil sa di umano’y nakaambang pag-upo ni Senador Cynthia Villar bilang bagong lider ng senado.
“Besides, as I always say, “it’s just a rumor until it happens. Trabaho na lang muna tayo” dugtong ni Escudero, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na ituon ang atensyon sa bagong hamon – ang pagtayo bilang mahistrado ng impeachment court sa sandaling ipasa ng Kamara ang reklamo laban sa pangalawang pangulo.
Mayo ng kasalukuyang taon nang pamunuan ni Escudero ang pagpapatalsik kay former Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, kailangan lang ng 13 boto ng senador para makapili ng bagong Senate President.
Samantala, todo-tanggi naman si Senador Cynthia Villar sa balitang senate coup – “Tapos na ang Senado nanggugulo pa tayo,” ani Villar nang hingan ng reaksyon kaugnay ng di umano’y napipintong pagsampa bilang senate president, kapalit ni Escudero.
Para naman kay Senador Joseph Victor Ejercito, tsismis lang ang panibagong kudeta sa senado — “Wala ‘yun, rumors lang yun. Tsismis lang ‘yun, kasi so far okay naman ang performance, I think. Satisfied naman karamihan ng senators [at] marami namang natapos [at] kailangang tapusin so I don’t think there’s a truth to that rumor.”
Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, walang senador na lumapit sa kanya para sa suporta sa di umano’y kudeta – “Wala, e sino namang maglalakas ng loob na lapitan ako alam naman nilang I’ve been supportive of the leadership of Senate President Escudero,” saad ni Estrada.
Pero iba ang tindig ni Cayetano.
“If it happens, you’ll see it. When there’s a lot of political…alam nyo naman maraming bangayan sa pulitika ngayon, so kapag may bangayan sa pulitika whether house yan or Senate sa impeachment, maraming rumors. Pero in the end, makikita nyo naman kung meron o wala.”