SA kabila ng panawagan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa mapayapang solusyon sa lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea, patuloy ang isinasagawang agresyon ng China laban sa Pilipinas.
Sa pinakahuling insidente ng pambabarako, tatlong mangingisdang Pinoy ang nasugatan, habang lubhang napinsala naman ang dalawang bangkang pangisda matapos itaboy ng China Coast Guard ang mga namamalakaya gamit ang water cannon.
Para kay Dr. Jose Antonio Goitia, hindi pwedeng maliitin ang pinakahuling insidente sa West Philippine Sea, partikular sa Escoda Shoal na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
PAHIWATIG NG CHINA
Aniya, ang pananakit at sinadyang karahasan laban sa mga mangingisdang Pinoy na legal at payapang naghahanapbuhay sa sarili nilang karagatan, ay maituturing na isang pahiwatig.
Hindi armado ang mga mangingisda. Wala rin naman silang nilabag na batas. Maliit ang kanilang mga bangka, at malinaw ang kanilang pakay — mangisda para buhayin ang pamilya Gayunman, hinarap sila ng high-pressure water cannons at mapanganib na maniobra ng mga sasakyang pandagat ng China.
Hindi ito aksidente. Ito’s isang bahagi ng planadong hakbang upang manakot, manakit, at itaboy ang mga Pilipino mula sa sarili nilang karagatan.
SIBILYAN ANG TARGET
Para kay Goitia, walang dapat pagtakpan sa nangyari.
“Kapag sinasadya ang pananakit sa mga sibilyan na nasa sarili nilang teritoryo, hindi na ito maaaring tawaging harassment,” ani Goitia. “Ito ay hayagan at sinadyang agresyon.”
Dagdag niya, walang anumang legal o moral na katwiran ang pananakit sa mga mangingisdang walang nilalabag na batas at tanging kabuhayan ang ipinagtatanggol.
OBLIGASYON NG ESTADO
Agad na kumilos ang Philippine Coast Guard (PCG) upang sagipin ang mga sugatang mangingisda, magbigay ng agarang tulong medikal, at tiyakin ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kabila ng patuloy na hambalang ng China.
Ayon kay Goitia, ang agarang responde ng PCG ay malinaw indikasyon ng isang estadong gising at handang ipagtanggol ang mga Pilipinong lehitimong nasa sariling karagatan.
“Nariyan ang ating mga pwersa upang ipakita na hindi iniiwan ng pamahalaan ang sarili nitong mamamayan,” ani Goitia. “Ang pagprotekta sa mga sibilyan ay hindi opsyon o pakiusap. Ito ay isang malinaw at di-matatawaran tungkulin ng estado.”
MALINAW ANG BATAS
Muling iginiit ng China ang mga pag-angkin na matagal nang ibinasura sa ilalim ng international law.
Kung pagbabatayan ang 2016 arbitral ruling, gayundin ang panuntunang nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), malinaw na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Escoda Shoal.
“Ibig sabihin, may karapatan ang ating mga mangingisda,” ani Goitia. “At malinaw kung sino ang lumabag.”
DIREKTANG PAGSALAKAY
Kumbinsido rin si Goitia na isang hayagang paglapastangan sa batas ang patuloy na isinasagawa ng China — ang walang puknat na pagsalakay sa mga Pinoy na ang tanging hangad ay mabuhay ng marangal sa paraan ng pangingisda sa loob ng nasasakupang teritoryo ng bansa.
“Kapag sinaktan ang mangingisdang Pilipino, hindi lang bangka ang napinsala,” ani Goitia. “Direktang tinatamaan ang pamilya, winawasak ang kabuhayan, at nilalapastangan ang dignidad ng sambayanan.”
Idinagdag pa niya na ang soberanya ay may kabuluhan lamang kapag aktibong ipinagtatanggol ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa karagatang kanilang pinaghuhugutan ng buhay.
WALANG ATRASAN
Ang nangyari sa Escoda Shoal ay hindi maaaring ilagay sa hanay ng mga ordinaryong balita at agad kalimutan. Ito ay malinaw na hamon sa dignidad at karapatan ng sambayanang Pilipino.
“Ang West Philippine Sea ay hindi ideya o usapin lamang,” ani Goitia. “Ito ay lugar kung saan nagtatrabaho, nabubuhay, at umaasa ang mga Pilipino.”
Sa huli, malinaw ang isyu. Hindi lamang ito tungkol sa mga guhit sa mapa. Ito ay tungkol sa mga Pilipino, sa kanilang dangal, at sa isang bansang matatag na ipinagtatanggol ang kanyang mamamayan at ang kanilang mga lehitimong karapatan.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations KABILANG ANG Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
