NI ESTONG REYES
Para kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, walang mabuting naidudulot ang isang programang hitik sa butas, kasabay ng panawagan para sa indefinite suspension ng Public Utility Vehicles (PUVs) consolidation.
Ayon kay Pimentel, dapat muna dinggin, tutukan at ayusin ang mga usaping bumabalot sa programang nagsusulong sa modernisasyon ng mga pampublikong transportasyon sa bansa.
“Dapat ipagpaliban muna ang programa para bigyan ng pagkakataon ang mga stakeholders na maayos ang isyung bumabalot sa PUV Modernization program.”
Kabilang sa target talupan ni Pimentel ang aniya’y mga makikinabang sa kontrobersyal na programang tinututulan ng mga operator at tsuper ng mga pampasadang jeep sa bansa.
Partikular na dapat aniyang ilantad ng pamahalaan ang mga suppliers ng mga minibuses.
Sinang-ayunan din ni Pimentel ang posisyon ng public transport sector kaugnay ng mahabang talaan ng mga isyu sa consolidation ng PUVs. Hirit pa ng senador, maraming malabong bahagi ang consolidation na nagtutulak sa pagtatatag ng mga kooperatiba sa mga driver ng dyip at operator at mga ruta ng dyip.
“So suspend indefinitely, pwede nila sabihin na we will resume after certain number of months kung maayos na nila lahat ang lahat ng detalye,” ani Pimentel.
Hiniling din ng transport group na Piston sa Korte Suprema na ihinto ang pagpapatupad at ipawalang bisa ang ilang mga order ng gobyerno na may kaugnayan sa PUV Modernization Program.