NI JIMMYLYN VELASCO
Bukas ang mga pampublikong paaralan sa mga senior high school students na tatamaan ng napipintong paghinto ng SHS program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs), ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa, hindi dapat maging balakid sa edukasyon ng mga kabataan ang memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na nagsasaad na ititigil na nila ang SHS program sa mga SUCs at LUCs.
“There should be no more Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) beneficiaries from SUCs/LUCs, except those who will be entering Grade 12 in SY 2023-2024 to finish their basic education and that SUCs and LUCs with laboratory school can accept enrollees but will no longer receive vouchers,” ayon sa CHED memorandum.
Bukod aniya sa mga pampublikong paaralan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng kagawaran, maaari rin aniyang mag-enroll ang mga apektadong estudyante sa mga pribadong paaralan sa susunod na school year, kung saan aniya maaaring tumanggap ng voucher sa bisa ng programa ng kagawaran.
Tiniyak din niyang walang estudyante na recipient ng SHS voucher program ang apektado ng naturang direktiba ng CHED dahil wala na umanong mga Grade 11 voucher recipients na naka-enroll sa SUCs at LUCs ngayong School Year 2023-2024.
Dagdag pa niya, ang voucher application system ay hindi na rin tumanggap ng Grade 11 applicants sa mga paaralang tinukoy bilang SUCs at LUCs.
Ang mga Grade 12 learners naman aniya sa SUCs at LUCs ay binigyan pa rin ng vouchers ng DepEd upang matapos nila ang kanilang senior high school.
Para naman sa mga non-voucher recipients, sinabi ni Poa na base sa kanilang database, mayroong nasa 17,700 na Grade 11 learners ang kasalukuyang naka-enroll sa mga SUCs at LUCs sa buong bansa.
“Nonetheless, based on the reports of our Regional Directors, our public schools will be able to accommodate those that may be displaced. May mga regions din po na wala nang SHS learners sa mga SUCs and LUCs.”
Samantala, hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa DepEd at CHED na tiyakin na mayroong tamang koordinasyon hinggil sa pagpapatigil ng senior high school (SHS) programs sa mga SUCs at LUCs.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na alinsunod ang kahilingan sa mandato ng Senado hinggil sa programa para sa higher educational institutions (HEIs).
“While they were allowed to provide SHS during the transition period, we agree that it is not the role of HEIs to offer basic education, except for those with laboratory schools,” ayon kay Villanueva.
Nanawagan din ang senador sa naturang ahensya ng maayos ang transisyon at ikonsidera kung paano makaapektuhan ng pagbabago ang estudyante.
“Ensure that there will be no disruption in the education of our students and that there is sufficient DepEd or private sector capacity to take it on,” aniya. (Dagdag ulat ni ESTONG REYES)