Ni Jam Navales
IGINIIT ni House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan Partylist Rep. Ray T. Reyes na dapat ilaan bilang karagdagang badyet para sa Universal Health Care (UHC) program ang malilikom na buwis mula sa mga junk food at sweetened beverages sa susunod na taon.
Ayon sa pro-health advocate solon, bagama’t sa mga nakalipas na taon ay tumataas ang inilaan pondo para sa UHC, ang expenditure program naman para dito partikular sa ilalim ng national budget ay hindi naman nagbabago.
Kaya naman mungkahi ni Reyes, anumang papasok na ‘sin tax’ sa mga junk food at sugary drink ay ilaan sa naturang health care program.
“Sa pagpasok ng dagdag pondo na ito, inaasahan natin na bubuhusan ng pondo ang ating public health facilities, lalo na ang mga barangay health care centers at rural health units na siyang unang takbuhan ng ating mga kababayan sa kanayunan,” hirit pa ng ranking House official.
Nauna rito, inihain ni Reyes ang House Bill 7485 na naglalayong taasan ang excise tax sa sugar-sweetened beverages para magamit sa dagdag-pondo sa UHC Act, gayundin upang umiwas ang publiko sa pagkonsumo ng mga matatamis na inumin.
“Once implemented, we will be able to provide more revenue for the government and also contribute in the fight against diabetes, obesity, and non-communicable diseases related to poor diet,” paliwanag pa ng kongresista sa nabanggit niyang panukalang batas.
Sa pagtaya ng 2024 Budget of Expenditure and Sources of Financing, inaasahang makakakuha ng additional taxes na aabot sa halagang P68.5 billion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa excise tax na ipapataw sa sweetened beverages at junk foods.