
NAGULANTANG ang mga miyembro ng Senado matapos mabisto ng isang mambabatas ang aniya’y kalakaran sa hanay ng mga sundalong nominado para sa pagtaas ng ranggo.
Sa isang pagdinig ng Commission on Appointments, nagpahayag ng pagka alarma si Senador Francis Tolentino sa kanyang natuklasan – karamihan sa mga nominado para sa promotion ay sumailalim sa pagsasanay at nagtapos sa Beijing Military Academy.
Ayon kay Tolentino, hindi angkop ang pagpapadala ng mga kadeteng Pinoy para magsanay sa bansang nanlulupig sa mga Pilipino at pilit nang-aangkin ng teritoryong sakop ng Pilipinas.
“We have stopped accepting cadets from the United States [to the Philippine Military Academy] since 2008. Now we’re sending our cadets, PMA graduates or cadets, to the Beijing Military Academy,” ayon sa senador.
Maging si Senador Jinggoy Estrada nabigla sa aniya’y impormasyong ibinahagi ng kapwa mambabatas.
“Are we requiring them or encouraging our cadets to study at the ‘Beijing military academy?’ I think this is quite alarming and this is the first time I heard the news from Sen. Tolentino,” wika ni Estrada.
Pag-amin naman ni Defense Senior Undersecretary Irineo Espino – ang pinakamataas na defense official na dumalo sa pagdinig ng Commission on Appointments – narinig na niya ang naturang kalakaran.
Gayunpaman, higit na kailangan pa rin aniyang beripikahin ang impormasyon at suriin ang dahilan sa likod ng pagpapadala ng kadete sa China.
“Only CGSC (Command and General Staff Course) and MNSA (Master in National Security Administration) counterparts were availed of by officers of the armed forces. I have to check if there are cadets sent to China academy. Wala pa pong confirmation,” tugon ni Espino.
Paglilinaw ni Espino, para lamang sa mga opisyal ng militar na may ranggong lieutenant colonel at senior officers ang naturang programa – bagay na ikinagalit naman ni Senador Raffy Tulfo.
“This is very alarming… Alam niyo na pala bakit di niyo pa pinatitigil? Sampal ito sa atin, binu-bully tayo ng China,” ani Tulfo.
Mungkahi ni Tulfo, putulin ang anumang ugnayan ng bansa sa China sa military exchange sa gitna ng tensyon at pambabarako ng mga Tsino sa West Philippine Sea.
“Can we put a stop to it, break right away? Marami pa namang ibang academy pwedeng padalhan bakit sa Beijing pa na kung saan they are perceived as enemy just because they’ve been bullying us for a long, long time,” aniya pa.
Kamakailan lang, binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang supply ship ng Philippine Coast sa Ayungin Shoal na sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.