
DALAWANG linggo matapos ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., wala pa rin maski isang rice smuggler ang sinampahan ng kaso.
Ang dahilan – may ibang higit na pinagkakaabalahan, kung hindi man patulog-tulog ang Department of Justice (DOJ).
“Nagbabala na si Pangulong Marcos during the SONA. ‘Di ba sinabi niya – Bilang na ang araw ng mga smugglers,” pasaring ni Sen. Alan Peter Cayetano sa DOJ sa isang panayam.
“The point is that agriculture has a domino effect. Kung maayos natin yung domino, maayos natin ang agriculture, more people will have jobs in the country, hindi na kailangan mag-abroad, mas maraming taong magkakatrabaho, bababa ang presyo, lalaki ang kita. Pero while may problema tayo sa agriculture, baliktad yung domino effect sa atin, one problem to another, to another,” wika niya.
“So while we’re dealing with many other problems, while we’re recovering from the pandemic, ano ba ang nangyari? Pag tumaas ang inflation at nagmahal ang bigas, I am concerned not only na magugutom ang tao, pero magkakaroon din ng political instability, magkakaroon din ng domino effect sa malnutrition,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, isang salita lang ang kailangan para matugunan ang problema: Kailangang gawin ang “lahat.”
“So number one is a strong language (laban sa smugglers), continue strong language and of course action by the DOJ,” wika pa ng senador kasabay ng giit na dapat ipakita ng pamahalaan na seryoso ang kampanya laban sa smuggling.
Pangalawa, ayon kay Cayetano, dapat may “contingency plan” ang gobyerno kung patuloy na tumaas ang presyo ng bigas – “May listahan naman ang DSWD (Department of Social Welfare and Development). They’re testing itong food stamps, ‘di ba? Mayroon tayong 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program),” aniya pa.
Pangatlo, dapat bigyan ng gobyerno ng sapat na suporta ang magsasaka. Ang isa aniya sa mga pangunahing paraan ay ang gawing moderno ang agrikultura sa bansa gamit ang teknolohiya.
Isinalaysay pa ni Cayetano ang byahe niya sa China noong 2016 kung saan nasaksihan niya kung paano ginagamit ang mga programmable drone sa pag-spray ng mga pestisidyo sa sakahan.
“Kailangan talaga complete modernization. We need to completely change… we have to change the way we think about agriculture,” hirit pa ng senador.
Dapat din umano dagdagan ang budget sa irigasyon, farm-to-market roads at pag-aralan ang mga alternatibo sa nakagisnang pataba sa mga sakahan.
Sinabi rin ni Cayetano na dapat suportahan ang mga magsasaka sa paglipat sa agribusiness para ma-engganyo ang kanilang mga anak at iba pang kabataan na pumasok sa industriya ng agrikultura.
“Ang mga pumapasok sa farming ngayon ‘di ba mga mayayaman? Yung mga nakilala natin may pera, may puhunan, sobrang na-in love sa farming. Pero ang mga anak ng farmers are taking all other courses except farming, except agriculture,” wika niya.
“We should give the support to the farmers na hindi lang sila farmers, agri-biz na dapat talaga.”