November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

BARAYUGA SLAY TATALUPAN KAHIT SINO PA SAGASAAN

MATAPOS magsilutang ang mga testigo sa Kamara kaugnay ng patayan sa pekeng giyera kontra droga, naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para sa muling pagbubukas ng kaso sa pagpatay kay retired Gen. Wesley Barayuga.

Sa utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, binigyang-halaga ang testimonya ni Lt. Col. Santie Mendoza sa Quad Committee ng Kamara kung saan inginuso sina National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Col. Royina Garma (ret.) na di umano’y utak sa pagpatay kay Barayuga bunsod ng pagsisiwalat ng katiwalian sa PCSO kung saan siya nagsilbing board secretary.

“Mendoza alleged that both officials orchestrated the murder, with Garma allegedly providing intelligence for the operation, claiming it was related to a high-value individual involved in illegal drug activities,” pahayag ni Marbil.

Para kay Marbil, hindi pwedeng palampasin ng PNP naturang kaso, kasabay ng utos sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pamunuan ang panibagong imbestigasyon sa Barayuga murder case.

“This revelation demands a thorough reinvestigation of the murder. No one is above the law, and we will seek justice for Ret. Gen. Wesley Barayuga and his family with the full resources of the PNP,” ani Marbil.

Hulyo 30, 2020 nang tambangan ng riding-in-tandem si Barayuga habang sakay ng SUV na inisyu ng pamunuan ng ahensya.

Garantiya ni Marbil, pananagutin ang tunay na may sala sa pagpatay kay Barayuga.

“We are committed to uncovering the truth, regardless of the position or power of those involved. The public can rest assured that we will hold those responsible accountable,” pahabol ng hepe ng pambansang pulisya.