Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASABAY ng ika-63 anibersaryo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ginawaran ng angkop na pagkilala si House Speaker Martin Romualdez sa natatanging dedikasyon para itaguyod at ipagtanggol ang Saligang Batas ng bansa.
Sa mensaheng binigkas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang, binigyang halaga ang pangangalaga ng Philconsa sa demokrasya at 1987 Constitution.
Kasunod ng talumpati ni Marcos, pormal na iginawad kay Romualdez ang simbolo ng pagkilala kay Romualdez na tumatayong president ng Philconsa – “unflagging interest to preserve the sanctity of the Constitution and the Rule of Law.”
Pirmado nina retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, Philconsa Chairman; Jose Leviste, Jr., Executive Vice President; at Atty. Michelle Lazaro, Secretary General ng organisasyon ang katibayan ng pagkilala.
“Speaker Romualdez’s purposeful leadership and untiring support to the Philconsa, enabled it to play its role as the foremost champion of the Constitution.”
Setyembre 1961 nang itatag ang Philconsa bilang “non-stock at non-profit civic organization” na binubuo ng mga legal luminaries, negosyante, at socio-civic leaders na ang hangarin ay ipagtanggol at pangalagaan ang Konstitusyon.
Ang organisasyon ay nagsasagawa rin ng mga aktibidad upang magkaroon ng kamalayan at pasiglahin ang interes ng publiko sa mga pangunahing batas sa bansa.
