
SA ikatlong araw ng takdang panahon ng paghahain ng kandidatura, nagtungo sa Manila Hotel si reelectionist Sen. Bong Go para magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) kaugnay ng nalalapit na 2025 midterm election.
Bukod kay Go, kabilang rin sa mga nagsumite ng COC ang mga kasama sa Partido Demokratikong Pilipino (PDP) sina Sen. Ronald dela Rosa, at ang dating action star na si Philip Salvador. Kasama rin sa pagpunta sa itinalagang lugar sa paghahain ng COC si Sen. Robin Padilla na tumatayong presidente ng partido.
Gayunpaman, walang pahiwatig kung tutuloy sa pagtakbo sa posisyon ng senador sina former President Rodrigo Duterte, at mga anak na sina Davao Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Go ang pagpapatuloy ng kanyang bisyo – ang pagseserbisyo sa mga Pilipino.
“Hindi ko po sasayangin yung pagkakataon na ibinigay niyo sa akin. Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. Iyan ang aking maiaalay sa inyo — ang kasipagan ko sa pagtatrabaho at pagtulong sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao at serbisyo sa Diyos,” wika ni Go.
Kabila ng sa mga patuloy na tutukan ni Go ang usapin sa kalusugan, agrikultura, manggagawa, edukasyon, kabataan, palakasan at iba pa.