
WALANG plano ang Kamara gamitan ng pwersa si former President Rodrigo Duterte para dumalo sa pagdinig ng quad comm na inatasang mag-imbestiga sa giyera-kontra droga, illegal POGO at extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sa isang pulong-balitaan, tiniyak ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na igagalang ng quad committee ng Kamara ang magiging pasya ni Duterte.
“In deference to the former president, we will accord him the courtesy and respect diyan sa pagtanggi niya sa pagdalo. But, if he will attend, accept our invitation, we will be more than honored to accommodate the former president,” ayon kay Barbers.
Maliban sa dating Pangulo, binigyang diin ng kongresista na obligadong dumalo ang iba pang pinatawag ng komite para magbigay linaw sa mga pagdinig ng Kamara.
“Mayroong karampatang penalty under our rules na pwedeng gamitin ng committee para parusahan ang tumatanggi sa aming committee,” ani Barbers.
Nauna rito ay inimbitahan na si Duterte para humarap sa quad committee matapos idawit sa pagpatay sa tatlong bilanggong Chinese drug lords sa Davao Prison and Penal Farm sa Davao Del Norte noong 2016.
“If the evidence will point to him still and then we come to a point where the committee will write a committee report, we will probably include a lot of personalities in the report,” pagtatapos ni Barbers.