Ni LILY REYES
KALABOSO sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang Chinese national at dalawang Pinoy na di umano’y sangkot sa smuggling at malawakang bentahan ng mga sigarilyong puslit mula sa ibang bansa.
Sa magkahiwalay na pagsalakay ng CIDG, kasama ang mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa Quezon City at Caloocan, nakorner ang hindi pinangalanang Chinese national at dalawang Pilipinong pinaniniwalaang kasabwat ng sindikato.
Sa ulat ng CIDG, unang pinasok ng mga operatiba sa bisa ng BIR mission order ang bodega sa kahabaan ng Kalye Balingasa sa Balintawak, Quezon City, na sinuportahan din ng mga tropa ng Quezon City Police District, kalakip ang BIR Mission Orders.
Kumpiskado sa naturang raid ang 1.7-milyong pakete ng smuggled cigarettes na kargado ng mga tatak na FarStar, Mighty Red, Marlboro, Camel at Milano. Sa pagtataya ng CIDG, nasa P184 milyon ang kabuuang halaga ng nasamsam na kontrabando.
Swak din sa CIDG ang 170 kahon ng smuggled yosi (katumbas ng P12.75 milyon) sa isa pang warehouse sa kahabaan ng F. Roxas Street, 6th Avenue, Grace Park West, Barangay 54, Caloocan City.
Sa pagsusuri pawang walang BIR stamps ang mga kinumpiskang sigarilyo.
Nahaharap sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code at tax evasion ang mga suspek.
