“HUWAG po tayong gumamit ng ghost receipts, magbayad po tayo ng tamang taxes para makatulong po sa ating bayan.”
Ito ang mariing paalala ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. kasabay ng babala sa mga negosyante hinggil sa pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa paggamit ng dispalinghadong resibo.
Ginawa ng BIR chief ang pahayag matapos katigan ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa cosmetics firm Ever Bilena dahil sa paggamit ng pekeng resibo para mapalabas na mababa lamang ang halaga ng buwis na dapat nilang bayaran.
“Kinasuhan po natin sila dahil sa kanilang paggamit ng mga ghost receipts o yung mga tinatawag nating mga pekeng resibo dahil nag-iimbento sila ng mga transaksyon upang pababain ang taxes nila,” ayon pa kay Lumagui.
“Ito po ay malinaw na tax evasion. Kaya’t paalala po natin sa ating mga negosyante… tigilan po natin ito,” dagdag niya.
Binalaan ni Lumagui ang lahat ng business owners sa bansa na magtatangkang takasan ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis dahil hindi umano magdadalawang-isip ang BIR ipagharap ng kaukulang kaso ang sinumang mapatutunayang nagkasala.
“Hindi mag-aatubili ang BIR, katuwang ang DOJ, na magsampa ng kasong kriminal na tax evasion laban sa mga gumagamit ng mga ghost receipts,” ani Lumagui.
Samantala, ang nasabing paghahabla sa Ever Bilena ay bahagi ng Fearless and Aggressive Enforcement Activities program ng BIR kung saan target ang mga sangkot sa tax evasion at fraud.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Lumagui kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla at sa buong ahensya sa matibay na suporta sa kampanya ng BIR laban sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.
“Pinasasalamatan din po natin si Sec. Remulla at ang buong Department of Justice na tumutulong po sa atin na tugisin ang mga tax evaders,” sabi pa ng BIR chief.
Sa ilalim ng Section 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997, ang sinumang mapatunayan guilty sa tax evasion ay maaaring maharap sa parusang multa na ₱500,000 hanggang ₱10 million at pagkakakulong ng anim na taon hanggang sampung taon.
