SA dami ng mga problemang higit na nangangailangan ng atensyon ng administrasyon, hindi angkop na limitahan ng Pangulo sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) ang magiging laman ng kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.
Panawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos Jr, ihayag ang pangmatagalang plano at solusyon ng gobyerno sa napipintong krisis sa tubig.
Ayon kay Pimentel, dapat may nakahanda na solusyon na ang administrasyon sa napipintong krisis sa tubig para maisan ang epekto ng El Niño sa bansa – partikular ang agricultural productivity ng mga magsasaka na siyang sasalo ng pinakamabigat na dagok ng tagtuyot.
Aniya pa, ang masamang epekto ng El Niño ay umabot na hanggang sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya gayundin sa mga negosyo, agrikultura, power generation, public health, natural resources at marami pang iba.
Kinuwestyon ni Pimentel na March 2023 pa lamang ay inamin na ng Pangulo ang bigat ng epekto ng krisis sa tubig kung saan sinabi ni PBBM na 11 milyong pamilya ang walang access sa malinis na tubig habang papalapit ang panahon ng tagtuyot at tag-init.
Para sa dating Senate President, tila nagkibit balikat lang ang pamahalaan sa kabila pa ng maagang anunsyo hinggil sa nagbabadyang kakulangan sa suplay ng tubig at El Niño phenomenon.