
SA kabila ng kapos na pagbuhos ng ulan bunsod ng El Niño, pumalo sa 72,333 ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa, batay sa datos ng Department of Health (DOH).
Babala ng ng DOH, posibleng tumaas pa rin ang bilang ng mga kaso ng dengue dahil sa ginagawang pag-iimbak ng tubig ng publiko bilang tugon sa panawagan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Paliwanag ni DOH spokesperson Undersecretary Enrique Tayag, karaniwang pinamumugaran ng lamok ang mga pinag-iimbakan ng tubig tulad ng balde, batya at iba pa.
Sa pinakahuling epidemic-prone disease case surveillance report ng DOH, 72,333 kaso ng dengue ang naitala mula Enero hanggang Hunyo 17, 2023 – 14% mas mataas sa kumpara sa 63,526 na naitala noong 2022.
Nasa 249 naman ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue ngayong taon.
Panawagan ni Health Secretary Ted Herbosa sa publiko, maging maingat laban sa mga sakit na dala ng lamok tulad ng dengue, at mga sakit na dala ng tubig tulad ng cholera.
Noong nakaraang linggo, idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño – isang phenomenon na nailalarawan sa abnormal na pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean at mas mababa sa normal na pag-ulan.
Taong 1998 nang magkaroon din ng dengue fever outbreak sa kabila ng umiiral na El Nino.