
NI ESTONG REYES
TALIWAS sa paandar ni Senador Ronald dela Rosa hinggil sa di umano’y kahandaan ni former President Rodrigo Duterte sa isasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, walang katiyakan ang pagdalo ng dating Pangulo, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III.
“Medyo nagalanganin na raw. Pero better to just wait for Monday para actual natin malaman kung naroon ba o wala,” wika ni Pimentel na nagsilbing Senate President sa panahon ni Duterte.
Una nang tiniyak ni dela Rosa na sisipot sa Oktubre 28 ang dating Pangulo para sa unang pagdinig ng senate inquiry sa madugong giyera kontra droga noong nakaraang administrasyon.
“The former President told me that he is going to attend the Senate hearing regardless of who is presiding,” ani dela Dela Rosa na kabilang sa mga personalidad na nadawit sa pagdinig ng quad comm na nag-iimbestiga sa kalakalan ng droga at extrajudicial killings na naganap sa termino ng dating Pangulo.
Gayunpaman, nanindigan si Pimentel sa nakalap na impormasyon. Kung meron man aniyang sigurado, yun ang ang pananabik ng lahat sa pag-arangkada ng imbestigasyon ng senado sa mga pasabog na lumabas sa Kamara laban kay Duterte at iba pang kaalyado.
“Everyone is already excited,” sambit ng lider ng minorya.
Kabilang aniya sa mga igigisa sa naturang pagdinig si dela Rosa na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya sa inang bahagi ng termino ni Duterte.
“Wala naman choice si Senator Bato but to share his experiences under the drug war with the committee,” aniya pa.
Bukod kay Duterte, pasok din sa talaan ng mga inanyayahan sina retired police officer Royina Garma na nagbunyag sa di umano’y pabuyang inilaan ng nagdaang administrasyon sa mga operatibang bahagi ng madugong giyera kontra droga.
Gayunpaman, hayagang itinanggi ng dating Pangulo ang alegasyon ni Garma.
“‘Yang sinasabi nilang reward, walang reward ‘yan. Hindi ako nagbibigay ng reward. Ang pinaka ano [ng mga pulis] sa akin is pag mission accomplished, yayain ko sila sa restaurant, magkain kami and I congratulate them. Tsaka palainom ang pulis. Bigyan mo ng dalawang boteng scotch…hindi yan tatanggap ng pera. Nahihiya yan.”