
HINDI katanggap-tanggap sa mga kongresista ang desisyon ang Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) sa halagang P58 sa kada kilo ng imported premium rice.
Sa pagdinig ng House Quinta Comm, na kilala rin sa tawag na Murang Pagkain Super-Committee, kinuwestyon ni agriculture committee chair at Quezon 1st District Rep. Mark Enverga ang rason sa likod ng mataas na MSRP.
“The goal should be to influence the supply chain to reduce profit margins across the board,” bungad ni Enverga na tumatayo rin bilang co-lead chairman ng quinta comm.
“‘But why are we allowing such a large mark-up? Shouldn’t we pressure everyone to adjust their profit margins instead?,” giit ng House panel head.
Binatikos din ng Quezon province lawmaker ang plano ng DA na unti-unting ibaba ang presyo, kasabay ng diin na mas mainam at kapaki-pakinabang ang agarang pagbaba.
“If the MSRP can go down, then it should go down immediately. Why wait? Why allow additional profits for traders and retailers when prices can already be lowered?” kantyaw ng kongresista.
Pinuna rin ng iba pang mga miyembro ng komite ang desisyon ng DA na panatilihin ang P58 na presyo habang nagpaplano lamang ng unti-unting pagbaba sa P55 pagsapit ng Pebrero at P49 kada kilo sa Marso.
Anila, malabnaw ang diskarte ng ahensya at malayo sa tunay na kalagayan ng mga pamilyang Pilipino na nahihirapan.
Paglalarawan naman ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo, acting chairperson ng House Committee on Appropriations, sa MSRP sa bigas – tagapag paigting ng anti-competitive practices.
Babala ranking lady House official, ang price ceiling ng DA ay nagsisilbing pahintulot ng gobyerno sa mga retailer na magsabwatan para mapanatiling mataas ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
“Ang nangyayari is they (retailers) now collude around the higher MSRP. Sasabihin ng mga retailers, “Eh allowed naman pala ang MSRP na P58. O tayong lahat, magbenta na lang tayo at P58.” Kahit na kaya naman pala nila magbenta at P38,” ani Quimbo.
“Kumbaga, naging government-endorsed collusion. Instead of transparency and competition, this creates a market standard that works against the public,” dagdag pa niya.
Pinuna rin ni Quimbo ang maling formula sa pagpepresyo ng DA, na aniya’y umaasa sa hindi kailangan hakbang sa supply chain na nagpapataas ng gastos na pinapasalo lang sa mga mamimili. Hinimok niya ang ahensya na magpatupad ng mas competitive at transparent na estratehiya.
“Mag-monitor po kayo. Hanapin ninyo sa bawat lugar kung sino ang retailer na nakakabenta ng pinakamababang presyo… ilista ninyo sa buong NCR o bawat lugar ang pinakamababang retailer. By transparency, nakita namin sa buong NCR, ito pala ang lowest price for this particular period. It’s actual, hindi na kayo nag-compute,” mungkahi ng kongresista.
Si Bulacan 2nd District Rep. Tina Pancho, na dismayado rin sa DA, kasabay ng paglalarawan sa nasabing hakbang na “fundamentally unfair” para sa mga Pilipino.
“‘Napakataas po nito. Parang ang nangyayari po, ang gobyerno ang nagbibigay ng pahintulot na ibenta ito sa mataas dahil “yun ang legal.” So, hindi po talaga tayo bababa,” anang Bulacan lady solon.
Samantala, inatasan ni Quinta Comm lead chair at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang DA na magsumite ng komprehensibong paliwanag hinggil sa mekanismo at pagkukwenta ng MSRP.
Isinusulong ng joint panel ang agarang reporma, binalaan na ang kasalukuyang polisiya ng ahensya ay nagdudulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko at nagpapalala sa kalagayan ng mga konsyumer. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)