KASABAY ng agresibong hakbang ng pamahalaan para ampatin ang epekto patuloy na pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin, bahagyang umusad ang panukalang “across-the-board salary hike” sa hanay ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa pagdinig ng House Committee on Labor Employment, ganap na pinagtibay ang mosyon ni Cotabato 3rd District Rep. Ma. Alana Samantha Santos para sa P200 arawang umentong hirit ng mga obrero.
Bago pa man inaprubahan ang pinag-isang bersyon ng House Bills 514, 7568 at 7871, tinalakay nina House Speaker Martin Romualdez, Deputy Speaker Democrito Raymond Mendoza (TUCP partylist) at Assistant Majority Leader Jude Acidre (Tingog partylist) at mga lider manggagawa ang panukalang dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Romualdez, kabilang sa pinag-usapan sa naturang pulong ang epekto ng panukalang dagdag-sahod sa negosyo.
“The House of the People is working tirelessly to craft a wage increase measure that meets the needs of our workers while ensuring that businesses, particularly MSMEs (micro, small, and medium enterprises), are supported during this transition,” pahayag ni Romualdez.
“This is a critical step towards achieving inclusive growth and addressing the immediate challenges faced by Filipino families,” dugtong ng lider ng KAmara.
Sa ilalim ng naturang panukala, inaatasan nito ang lahat ng pribadong kumpanya, anuman ang laki o uri ng industriya, na magpatupad ng P200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Pinasalamatan naman ni Mendoza si Romualdez sa pagsusulong ng panukala – “We are very happy with Speaker Romualdez’s commitment to ensuring the measure’s approval.”
PAra kay Mendoza, makasaysayan ang pag-apruba ng komite, na aniya’y maaaring maging kauna-unahang legislated wage hike mula pa noong 1989.
“Let’s make history together, and hopefully, after 36 years, this will finally be passed. We are now closer than ever to passing the first-ever legislated P200 daily across-the-board wage increase under the leadership of Speaker Martin Romualdez,” wika ng TUCP partylist solon.
Sa datos na ipinrisinta ni Mendoza, walang masamang epekto sa inflation ang 40 percent wage increase na inaprubahan ng Kongreso noong 1989. Wala rin aniyang naganap na sibakan sa trabaho sa kabila pa ng “political instability” sa mga naturang panahon.
“There were two coup d’états in 1989, economic fundamentals were so bad during the time of Cory Aquino. But there was no wave of unemployment, no collapse of businesses,” ani Mendoza.
“For 36 years under the Regional Minimum Wage Board, almost all regional wages have remained below the poverty line. Is it our policy to give poverty wages that cannot provide a decent life for our families?” dagdag pa niya.
Nakasaad din sa panukalang batas ang pagbabawal sa mga employer na ibawas ang dagdag-sahod mula sa mga naunang adjustment maliban na lamang kung nakasaad sa collective bargaining agreement.
Hindi rin maaaring bawasan ang mga kasalukuyang benepisyo at allowance dahil sa pagtaas ng sahod.
Samantala, sinabi ni Romualdez na isinasaalang-alang din ng Kamara ang mga mekanismo tulad ng wage subsidies at exemptions para sa mga nahihirapan MSMEs upang mabawasan ang anumang negatibong epekto ng dagdag-sahod sa ekonomiya.
“Our MSMEs are the backbone of our economy, and they must be protected even as we address the needs of our workers,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
“Through wage subsidies and other mechanisms, we aim to ensure that no one is left behind,” aniya pa.
Sakaling maisabatas, ang Department of Labor and Employment (DoLE) ang responsable sa pagpapatupad ng dagdag-sahod, gayundin ang pagsasagawa ng mga inspeksyon upang tiyakin ang pagsunod ng mga kumpanya.
Ang mga employer na lalabag sa batas ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000 o kaya’y makukulong ng hanggang apat na taon.
Ang mga lalabag ay pagbabayarin ng doble ng halaga ng sahod na hindi ibinigay sa empleyado bukod pa sa P50,000 hanggang P100,000 multa o pagkakakulong na hanggang apat na taon, o pareho.
Inaasahan naman na tatalakayin sa plenaryo ang proposed legislated wage hike sa plenaryo sa lalong madaling panahon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
