LUBOS na ikinalugod ni Agri partylist Rep. at senatorial aspirant Manoy Wilbert Lee ang target ng Department of Agriculture (DA) na magpagawa ng hindi bababa sa 99 cold storage facilities sa iba’t-ibang panig ng bansa gamit ang P3 bilyong pondo bilang bahagi ng katuparan sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
“Maganda ang inisyatibang ito ng DA, lalo pa’t matagal na natin itong panawagan. Bukod sa pangangalampag natin sa mga nakaraang budget deliberations na taasan o ipantay ang pondong inilalaan sa post-harvest facilities kabilang ang cold storages sa pre-harvest services, naghain din tayo ng panukalang batas para dagdagan ang suporta sa mga pasilidad na siguradong magpapataas sa kita ng mga magsasaka at local food producers,” pahayag ni Lee.
“Malinaw din na mababalewala lang ang mga itatayong cold storage facilities kung walang mahigpit at epektibong monitoring sa supply, at kung hindi pa rin masasampolan ang mga hoarders na aniya’y walang konsensya na nagpapataas sa presyo ng bilihin, habang nagpapasasa sa sobrang kita,” dugtong niya.
Gayunpaman, nilinaw ni Lee na bukod sa short-term solutions, dapat simulan na rin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng long-term solutions para makumpleto ang suporta sa mga local food producers, at hindi na kailangan pang magdeklara ng food security emergency sa hinaharap.
“Food security is a national security issue. Dapat gawing prayoridad ang pangangalaga at suporta sa ating mga local food producers o ‘food security soldiers’ dahil nakasalalay sa kanila ang sapat na supply at murang pagkain,” mariing sabi ng Bicolano solon.
“Dapat buhusan at paglaanan ito ng tiyak na pondo taon-taon, at siguruhin ang mabilis na implementasyon ng mga programa para maramdaman agad ng mga Pilipino ang benepisyong hatid nito,” dagdag ni Lee na punong may-akda ng Republic Act 12022 na mas kilala sa tawag na Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
Layon ng naturang batas mapababa ang presyo ng pagkain at mapataas ang suporta ng gobyerno sa agricultural sector, kabilang na ang pangangalaga at pagprotekta sa kabuhayan ng local food producers.
Nauna nang inihain ni Lee ang House Bill No. 3958 (Post-Harvest Facilities Support Act), kung saan ang DA, sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ay dapat magkaloob ng kinakailangang farm kagamitan at makinarya, kasama na ang pagpapatayo ng cold storage facilities at transportasyon para sa mga kooperatiba ng mga magsasaka.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang AGRI sa nakatakdang pagdedeklara ng Food Security Emergency lalo na sa adhikaing mapalawak ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
“Sang-ayon po tayo sa pagdedeklara ng food security emergency para mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan, pero naniniwala tayo na panandaliang solusyon lang ito.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
