BISTADO sa mabusising pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang higit pa sa dobleng ginastos ng Department of Education (DepEd) sa mga byahe sa loob ng bansa at maging sa ibayong dagat.
Batay sa resulta ng 2022 annual audit report, lumalabas na pumalo sa P1.69 bilyon ang kabuuang halaga ng pondong naubos ng DepEd noong nakaraang taon – higit pa sa dobleng halagang naitala noong 2021.
Sa nasabing halaga, pinakamalaki ang gastos sa mga byahe sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas – P1.68 bilyon.
Bagamat nasa P8.68 milyon lang ang ginamit ng departamento para sa byahe sa ibang bansa, kapansin-pansin pa rin anila ang mas malimit na foreign trips kumpara sa taong 2021 kung saan gumastos lang ang kagawaran ng P745,815.
Doblado rin ang ginastos ng DepEd sa local trips – P1.68 bilyon para sa taong 2022 mula sa P804.344 milyon noong 2021.