HINDI dininig ng tinaguriang “Anointed Son of God” ang panalangin ng isa sa milyon-milyong tagapanalig matapos ibasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon para pansamantalang makalaya sa bisa ng piyansa.
Sa desisyon ng Court of Appeals, partikular na ibinasura ang petition for bail na inihain ng kampo ni Ingrid Canada na kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa kasong qualified trafficking.
Hindi rin pinansin ng CA ang manifestation na kumukwestyon sa pagtanggi ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) sa kanyang petition for bail para sa nabanggit na kaso.
Sa resolusyong inilabas noong Nobyembre 28 (akda ni Associate Justice Pedro Corales) hindi tinanggap ng CA 10th Division ang hiling ng kampo ni Canada. Ang dahilan — isinampa ang petisyon nang lampas sa itinakdang panahon.
Ipinadala ni Canada ang petisyon noong October 27, 2025 sa pamamagitan ng private courier pero paliwanag ng korte, dapat ang pagsusumite ay personal o sa pamamagitan ng registered mail.
Dahil dito, itinuturing ang petisyon na isinampa bilang ordinaryong email lamang at ang opisyal na petsa ng pagsampa ay Oktubre 29, lampas sa 60-araw na itinakda ng batas.
Dagdag pa ng CA, nabigo rin si Canada na isama ang People of the Philippines bilang respondent, dahilan upang tuluyang tanggihan ang petisyon.
Kasalukuyang nakapiit ang akusadong si Canada sa Pasig City Jail para sa kasong qualified trafficking ng mga babaeng miyembro ng KOJC. (JULIET PACOT)
