KINOKONSIDERA ng Department of Justice ang masusing beripikasyon kung totoo at seryoso ang mga paratang sa nilalaman ng sinumpaang affidavit ni Ramil Madriaga laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng panibagong kontrobersya nang isambulat ng dating staff ng pangalawang pangulo na umano’y pinondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga drug dealer ang kampanya ni VP Duterte noong 2022 elections.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, kailangan munang maisumite sa DOJ ang lahat ng dokumento at ebidensya para ma-verify, kasabay ng isang pormal na reklamo.
Kapag na-verify na ng DOJ ang ebidensya at kumpleto ang reklamo, saka lang aniya puwedeng masimulan ang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng angkop na kaso laban sa panganay na anak ni PRRD. (JULIET PACOT)
