PERSONAL na sumipot at sumalang sa unang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang dating district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagsipot ng tinaguriang “BGC Boys” na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, isinailalim ang mga dating DPWH officials sa imbestigasyon kaugnay ng mga ghost flood control projects ng Wawao Builders at Top Notch Construction
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, may kaugnayan ang imbestigasyon sa tatlong kaso kung saan sangkot ang mga nabanggit na kumpanya sa mga maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Paglilinaw ni Martinez, ang mga kasong sinusuri ng kagawaran ay yaong mga aniya’y ibinalik ng Office of the Ombudsman sa DOJ, na inatasan tumulong sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Dagdag pa niya, hiwalay pa ang mga naturang asunto sa limang iba pang kasong una nang sumalang sa preliminary investigation kaugnay pa rin ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan, na nasungkit ng SYMS Construction.
Ayon sa DOJ, tatlo sa limang kaso ay “submitted for resolution” na. (JULIET PACOT)
