
Ni Lily Reyes
INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga regional office na pabilisin ang pagpapatupad ng online registration para sa pagpaparehistro ng sasakyan at aplikasyon ng lisensya.
Tiniyak din ni Mendoza na kanilang lulutasin ang matagal nang problema sa naglipanang mga fixer sa kanilang mga tanggapan.
“Ang aming approach ho na ‘yan ay magkaroon ng online system of registration both for vehicle registration and license application,” ayon kay Mendoza sa isang panayam.
“Ito’y ipapa-double time natin within the regions para mas mapalawak na ang mga motorista na hindi kailangang i-renew ang registration ng kanilang mga sasakyan ng face-to-face because our goal is to have all these transactions be done online,” anang opisyal.
Sinabi ni Mendoza na gagawin din ito pagdating sa online procedure ng pag-apply ng driver’s license. “We can send the license via courier na lang po,” dagdag pa ng LTO chief.