PARA kay House Speaker Martin Romualdez, malaking bentahe sa industriya ng turismo ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas na nagbibigay insentibo sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.
Sa ilalim ng makasaysayang Republic Act 12079 (VAT Refund for Non-Resident Tourists), ibabalik sa mga dayuhang turista ang binayarang value-added tax kapalit ng mas madalas na pagbisita sa Pilipinas.
“This piece of legislation will greatly boost international tourism and the sale of goods by tourist-oriented establishments,” pahayag ni Romualdez sa RA 12079 na nagbigay daan sa amyenda sa National Internal Revenue Code of 1997.
Ayon kay Romualdez, inaasahan ang pagdami ng mga dayuhang turistang bumibisita sa bansa gayundin ang at ang pagsipa sa bentahan ng mga lokal na produkto dahil sa VAT refunds, na aniya’y magbibigay-daan sa masiglang galawa sa ekonomiya ng bansa.
Katunayan aniya, pinakamataas ang foreign tourist arrivals sa mga bansang Japan at Singapore bunsod ng umiiral na insentibo sa mga banyagang turista.
“Just ask Filipinos who have visited Japan, and they will tell you that they patronize megastores not only for the products they sell at lower prices but also for the tax refunds,” dagdag ng lider ng Kamara.
Sa ilalim ng VAT refund law, ang mga turista o non-resident foreign passport holders ay maaaring mag-apply kung sila ay bibili ng mga produkto mula sa isang accredited store at ang mga produkto ay dadalhin sa palabas ng bansa sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili, at kung ang halaga ng mga produktong binili ay hindi bababa sa P3,000 bawat transaksyon.
Base sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang VAT refund law ay magbibigay ng karagdagang kita sa bansa, mula P3.3 bilyon hanggang P5.7 bilyon mula 2024 hanggang 2028, at magbibigay ng 4,400 hanggang 7,100 bagong trabaho kada taon. (Romeo Allan Butuyan II)
