ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga kawatan na walang pag-aalinlangang nagkukunwaring miyembro ng kapulisan at ng militar sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga uniporme ng mga pulis at sundalo, pati na rin ng mga insignia bilang accessories.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2149 na nagpapanukala na itaas sa prision mayor, o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon, ang umiiral na parusang arresto mayor, na may katumbas lamang na pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, para sa mga taong nagkukunwaring mga alagad ng batas gamit ang kanilang mga uniporme at insignias.
“Ang kasalukuyang parusa sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code ay hindi sapat sa uri ng pagkakasala na ginawa at sa pinsalang maaaring idulot sa biktima lalo na kung ang nagkasala ay isang public official. Sakaling public official ang nagkasala, ang parusang prision mayor ang dapat ipataw,” sabi ng mambabatas.
Ayon sa tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security, dati na niyang itinulak noong 14th Congress ang nasabing panukala.
Sa paliwanag ni Estrada, layon ng panukala na palakasin ang parusa na nakasaad sa Republic Act 493, ang batas na nagbabawal sa paggamit o pagbibigay ng military o naval grade o mga titulo sa mga taong wala sa hanay o serbisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Sa kanyang hiwalay na inihain na panukalang batas na Senate Bill No. 2151, inirerekomenda rin ni Estrada ang pagpapalawak ng sakop ng RA 493 upang isama ang pagbabawal sa paggamit, pagsusuot, paggawa at pagbebenta ng mga uniporme at tela ng uniporme ng mga miyembro ng AFP, PNP at ng Philippine Coast Guard.
“Hindi iilan ang lumapit sa aking opisina at nagreklamo sa mga taong nagsusuot ng mga uniporme o gumagamit ng mga insignia at nagpapanggap na mga pulis para makapangikil sa kanila. Karaniwan din na mga pribadong indibidwal ang nagpapanggap na mga pulis sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga uniporme at gumagamit ng mga insignia para maisagawa ang mga krimen ng walang paglaban ng kanilang mga biktima tulad ng kidnapping, pagnanakaw pati na pagpatay,” aniya.