MATAPOS ang dalawa’t kalahating buwan, tuluyan nang tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “irrevocable resignation” ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Sa isang press briefing sa Kuala Lumpur, kinumpirma rin ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang pagtatalaga ng Pangulo kay NBI Assistant Director Lito Magno bilang officer in charge ng NBI.
Bahagi si Castro ng delegasyon ng Pilipinas sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Nagsilbi si Magno — isang abogado – sa NBI sa loob ng mahabang panahon. Bago pa man ang pagtatalaga bilang OIC nagsilbi si Magno bilang ahente hanggang sa naging Deputy Director for Investigative Services ng ahensya.
Higit na kilala si Magno sa angking husay at malawak na kaalaman sa pag-iimbestiga gamit ang Information and Communications Technology.
