PARA sa mambabatas na may-akda ng batas sa likod ng mekanismong sumasalo sa bayarin ng mga maralitang pasyente sa mga pagamutan, mas marami pang Malasakit Centers ang dapat itaguyod ng pamahalaan sa hangaring palawakin ang pakinabang ng mga mamamayan
Inihalimbawa ni Senador Bong Go ang Davao Region kung saan aniya naipalamas ang bisa ng naturang programang nagbibigay tulong sa mga may pangangailangang medikal.
Partikular na tinukoy ni Go ang ulat ng Medical Assistance to Indigent Patient Program (MAIP) ng Department of Health (DOH) kung saan nakasaad ang hindi bababa sa 590,562 pasyente mula sa nasabing rehiyon ang natugunan sa unang anim na buwan pa lang ng kasalukuyang taon.
Sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City, nakapagbigay-agapay ang Malasakit Center sa 36,645 pasyente sa unang semestre ng 2023 mula sa 1,611 pasyenteng natulungan noong 2019.
Sa Tagum City, natulungan naman aniya ng Malasakit Center na nasa Davao Regional Medical Center (DRMC) 25,649 na ang natulungan mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon – malayo sa 2,769 na benepisaryo noong 2020.
Kabilang rin sa mga nakinabang sa mga Malasakit Centers ang mga pasyente mula sa Davao de Oro Provincial Hospital, Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City, at Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City, kung saan umabot sa 60,450 pasyente ang naibsan ang gastusing kalakip ng kanilang karamdaman.
“Ang pagdami ng bilang ng mga pasyenteng pinaglingkuran ng Malasakit Centers ay patunay sa epektibong serbisyo ng programa,” pahayag ni Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health.
Batay sa pinakahuling datos, nasa 158 Malasakit Centers ang naitaguyod sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunpaman, aminado ang senador na kailangan pa ang mas maraming Malasakit Centers batay sa patuloy na paglobo ng populasyon.