
SA halip ng tumugis ng kriminal, isang bagitong pulis ang tinutugis ngayon matapos mahagip ng close circuit television (CCTV) camera ang pagnanakaw sa kabaro, sa loob mismo ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa bayan ng Silang, lalawigan ng Cavite.
Bukod sa kasong pagnanakaw, nahaharap din sa kasong administratibo ang isang Patrolman Allen Cando ng Nueva Ecija, at nakatalaga sa isang tanggapan ng PNPA sa Camp General Mariano Castaneda.
Sa paunang imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station, dakong alas 9:00 ng umaga ng Agosto 19 nang mawala ang perang iniwan ng biktimang si Patrolman Johnnie Estacio sa pagmamay-aring Honda PCX na motorsiklong nakaparada sa loob ng kampo.
Nang madiskubre ang pagkawala ng salapi, agad na hiniling ni Estacio sa PNPA ang pagrebisa ng CCTV footage kung saan nakita ang aktwal na pagnanakaw ng suspek.
Pag-amin ni Estacio, hindi sinasadyang naiwan niya ang susi ng motor dahil sa pagmamadali para sa isang pagsusulit. Pauwi na umano siya nang madiskubreng wala na sa kanyang motor ang P3,400 na itinago sa compartment ng motor.