
SA pagnanais na tiyakin lehitimo at iwas-bulilyaso ang mga isinasagawang operasyon kontra kriminalidad, umapela ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Budget and Management (DBM) ng mas malaking pondo para pambili ng karagdagang body worn camera sa susunod na taon.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Redrico Maranan, nasa 2,700 lang ang body-worn camera ng PNP – malayo sa 45,000 pirasong kailangan sa kabi-kabilang operasyon kabilang ang paghahain ng mga search at arrest warrants.
Giit ng PNP spokesperson, hindi na dapat maulit pa ang bulilyasong kinasangkutan ng ilan sa kanilang hanay dahil lang sa kawalan ng bodycams na may kakayahang idokumento ang bawat galaw ng mga pulis sa tuwing sasabak sa operasyon.
Gayunpaman, inamin ng Maranan ng iba ang sitwasyon sa kaso ng operatiba ng Navotas Police na kinasuhan ng pagpatay sa 17-anyos na si Jerhode Jemboy Baltazar. Ayon sa tagapagsalita ng pambansang pulisya, hindi nagana ang bodycam ng dalawang pulis sa katwiran ‘lowbat’ ang kanilang gadget.
Dalawang taon na ang nakalipas nang pagtibayin ng Korte Suprema ang paggamit ng body-worn cameras (bukod pa sa backup recording device) sa operasyon at paghahain ng search at arrest warrants.