KASABAY ng paghahayag ng suporta sa nakatakdang pagbuhay ng Department of Transportation (DOTr) sa “Libreng Sakay,” nanawagan si Solid North Partylist Rep. Ching Bernos sa ahensya, gayundin sa ibang local government units (LGUs), para sa mas malawak na implementasyon ng naturang programa.
“The revival of the Libreng Sakay program will benefit vulnerable sectors such as students and daily wage earners. I hope that the government pushes through with it for the sake of the commuting public,” wika ni Bernos.
Ginawa ng Solid North partylist solon ang pahayag sa gitna na rin ng malakihang pagsipa sa pump price ng mga produktong petrolyo at pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan bunsod ng patuloy na giyera sa Middle East.
Subalit giit ng kongresista, dapat ikonsidera ng DOTr magkaloob din ng libreng sakay sa iba pang mga ruta, sa bisa ng service contracting scheme — at hindi lamang limitado sa bahagi ng Edsa Busway.
Sinabi pa ni Bernos na sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), ang DOTr ay mayroong P1-bilyong alokasyon para sa Service Contracting Program.
Umapela rin si Bernos sa mga LGUs na may kakayahan na pumasok sa service contracting upang makapag hatid ng libreng sakay sa kani-kanilang nasasakupan.
“Sa harap ng ganitong mga krisis, nararapat lamang na salagin ng pamahalaan ang mabigat na epekto upang maibsan ang alalahanin ng mga kababayan natin,” dugtong ni Bernos.
Noong nakaraang taon, umabot sa 183,000 commuters ang nakinabang sa Libreng Sakay Program ng DOTr.
