KABIGUAN ng administrasyon ibaba ang pondo sa mga distrito ang nagtulak sa mga miyembro ng National Unity Party (NUP) na kumalas sa mayorya ng Kamara.
Gayunpaman, nilinaw ni Deputy Speaker Ronaldo Puno (Antipolo City 1st District) na walang plano ang NUP magsulong ng pagpapalit ng liderato sa Kamara.
Kasama ang iba pang kasapi ng NUP, ibinahagi ni Puno ang nakaambang paglundag ng grupo sa minority bloc ng Kamara.
Pagsapit aniya ng lenten break, magdaraos ng pulong ang pinamumunuang partido para pag-usapan kung marapat pa ba silang manatili sa majority bloc o lumipat na lamang sa minority.
Aminado ang ranking House official na dismayado ang mga kongresistang miyembro ng NUP sa pagkakaipit ng mga proyekto para sa kani-kanilang congressional districts ngayong taon.
Katunayan aniya, matatapos na ang first quarter pero wala pa rin aniyang ibinababang pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa mga programa at proyekto sa kani-kanilang distrito.
Wala rin umanong paliwanag ang DBM kung bakit ipinasok sa kategorya ng “For Later Release” ang mga proyekto sa mga distrito.
“I think the DBM has to explain this. We are not going to stop discussing this issue and I hope the media will help us ask them what the heck is going on. Kasi nothing is moving on the construction front for the country. So, they have to explain this in very, very clear terms where they are coming from on this and why they are doing this,” himutok ni Puno.
Bukod sa infra projects, isiniwalat ng Deputy Speaker na maging ang iba social amelioration programs na tugon sa gitna ng Middle East conflict, itinengga rin umano ang implementasyon.
Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP) na nasa ilalim ng Department of Health (DOH) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Giit ni Puno, anuman ang dahilan sa pagkakaantala ng mga proyekto at programa, dapat sabihin ng DBM nang sa gayon ay makapag paliwanag ang mga kongresista sa mga nasasakupan.
Para sa Antipolo solon, dapat kumilos si Speaker Faustino Dy III para resolbahin ang problema.
“He is our leader, he should lead. But, hindi yata nakakausap yung mga miyembro ng Kongreso para alamin yung mga problemang inaabot namin lagi,” diin ni Puno.
Hindi naman itinago ni Puno ang pagkadismaya sa kawalan umano ng aksyon ni Dy sa problema ng mga kongresista pero hindi rin naman aniya kikilos ang NUP para mapatalsik ang si Dy bilang lider ng Kamara.
“You know, personally, I love the House Speaker, when Bojie was still young we were already friends, his father and his siblings were my friends. I am a very close, good friend and avid fan of the Dy family.”
