
LIMANG araw bago ang takdang petsa ng paghahain ng kandidatura, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pambato ng administrasyon para sa 12 pwesto sa Senado.
Kabilang sa mga panlaban ni Marcos sina Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Pia Cayetano, Senador Lito Lapid, Senador Francis Tolentino, Senador Imee Marcos, Senador Ramon ”Bong” Revilla Jr., dating Senador Manny Pacquiao, dating Senador Panfilo Lacson, dating Senador Vicente Sotto III, Deputy Speaker Camille Villar, at dating Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo.
Kapansin-pansin naman na sa mga naturang personalidad, tanging si Senador Imee lang ang wala sa pagtitipon para sa Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas Convention sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Pagtitiyak ng Pangulo, sasama siya sa pangangampanya sa sandaling magsimula na ang campaign period para sa 2025 midterm elections.
Gayunpaman, nilinaw ng Presidential Communications Office na tuwing araw ng Huwebes lang ang magiging schedule ng Pangulo sa pagsama sa kampanya sa mga lalawigang papasadahan ng pambato ng alyansa.