
SA gitna ng panawagan ng mga kongresistang dismayado sa pang-iisnab sa budget hearing ng Kamara, walang plano si Vice President Sara Duterte magbitiw sa pwesto bilang pangalawang pangulo ng bansa.
Katwiran ni VP Sara, sa kanya ipinagkatiwala ng hindi bababa sa 32 milyong botante ang mandato bilang bise-presidente.
“Hindi ako sasagot sa ‘Young Guns’ dahil kailangan ko sumagot sa 32 million na bumoto sa akin. Hindi sa isa o dalawang tao. Hindi ako aalis dito dahil nilagay ako ng mga tao dito believing I will work for the country,” saad ni Duterte sa isang pulong-balitaan.
Bagamat “no-show” sa Kamara, tiniyak naman ni VP Sara ang kanyang pagdalo sa senado sa sandaling umarangkada ang deliberasyon sa proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
Nang tanungin sa plano sa budget deliberation ng Kamara, nanindigan si VP Sara na ipauubaya na lang niya ang desisyon ng House Committee on Appropriations.
“At kasama na roon yung rason kung bakit hindi na kami mag-participate sa budget deliberations ng Office of the Vice President diyan sa House of Representatives dahil nga sabi ko dalawang tao lang naman yung nagde-decide diyan— Congressman Zaldy Co and Congressman Martin Romualdez,” patutsada ni Duterte.
Hindi rin umano niya inaasahan na ibabalik ang original nilang panukalang budget na P2.037 billion matapos na tapyasan ito ng Kamara ng P1.3 bilyon.