PARA kay Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta, ang pagkakasibak sa lahat ng komiteng kinabibilangan ay hudyat ng mas malaking maneobra sa Kamara – ang paglulunsad ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang programa sa radyo, hayagang inakusahan ni Marcoleta ang pamunuan ng Kamara sa likod ng pagtanggal sa kanya bilang miyembro ng House Committee on Justice.
Aniya, malinaw na may may kaugnayan sa nakaambang impeachment laban kay VP Sara, bagay na mas magiging madali kung limitado na lang siya sa pagsasalita sa komite.
Sa ilalim ng umiiral na sistema, pwede lang magbigay pahayag ang mga kongresistang hindi miyembro ng komite. Para aniya makaboto sa isang mahalagang usapin, kailangan miyembro ng komite ang isang mambabatas. Wala rin karapatan ang mga kongresista na hindi miyembro ng komite maghain ng mosyon.
“Sa aking palagay ito ay planado. Hindi ka ba nabigla? Hindi ako nabigla kasi kung tuntunin mo, talagang nagmimina sila ng kahit anong maibabato nila sa Vice President,” patutsada ni Marcoleta.
“Sa tamang panahon, akala nila, pag nakakalap na sila ng ganito, magfa-file ng impeachment,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag ni Marcoleta na ang impeachment complaint ay ipinadadala sa House Committee on Justice at doon tinatalakay.
“Vice chairman ako dun. Oh eh bat ako tinanggal? Para hindi ako makasali doon. Yun ang alam nila, di ba?” sabi pa ng solon.
Setyembre 25 nang tanggalin si Marcoleta bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA), Committees on Energy, Justice, Public Accounts at Constitutional Amendments.
Nauna rito ay inalis din siya bilang miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
