
BAHAGYANG maiibsan ang mabigat na pasanin sa trabaho ng mga guro sa pampublikong paaralan matapos ilabas ng Department of Education (DepEd) ang Implementing Guidelines ng Rationalizing Teachers’ Workload and Overload Compensation.
Partikular na tinukoy sa DepEd Memorandum 053 na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan pangalagaan ang kapakanan ng mga guro – gayundin ang mga field personnel ng mga pampublikong paaralan.
Base sa naurang memorandum na inilabas bilang pagtalima sa atas ng Pangulo, hindi dapat lalampas ng anim na oras ang pagtuturo ng guro. Gayunpaman, nilinaw ng kagawaran na kung hindi maiwasan pahabain ang oras ng trabaho, dapat aniyang dalawang oras lang ang pinakamatagal na overtime kada araw.
Hindi rin umano angkop na hindi bayaran ang karagdagang oras ng pagtatrabaho ng mga guro.
Sakali naman aniyang maagang natapos ang pagtuturo, maaaring bigyan na lang ng ibang gawain ang mga guro.