
SA nakalipas na tatlong taon, inakala ni Pangulong ferdinand Marcos Jr. na kaibigan ang turing sa kanya ng katambal na politika.
Pag-amin ni Marcos, lubha siyang nadismaya sa pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na kaibigan niya ang standard bearer ng alyasang higit na kilala sa tawag na UniTeam.
“I’m a little dismayed to hear that she doesn’t think that we are friends,” ani Marcos nang hingan ng komento hinggil sa pahayag ng bise presidente.
“I don’t know anymore. I’m not quite sure I understand. I always thought that we were… but maybe I was deceived,” dugtong ng Pangulo sa pagharap sa mga mamamahayag na dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa kabisera ng bansang Laos.
Kamakailan sinabi ni VP Duterte na hindi sila magkaibigan ni Marcos. Katunayan aniya, nakilala lang niya ang ngayon ay Pangulo nang maging magka-tandem sa 2022 elections.
Gayunpaman, iginiit ni Duterte na ang kaibigan niya ay ang nakatatandang kapatid ng Pangulo — si Senator Imee Marcos.