TALIWAS sa kwento ni illegal POGO incorporator Cassandra Li Ong, eroplano — hindi bangka — ang ginamit ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagtakas palabas ng Pilipinas noong buwan ng Hulyo, pag-amin ni Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng Bureau of Immigration.
“Doon po sa pag-aanalisa natin, mukhang hindi po ito sa isang major international airport o seaport umalis itong si former mayor Alice Guo,” wika ni Sandoval sa isang panayam sa telebisyon.
“We believe that she might have used a private airstrip upang ilegal po na makaalis ng bansa without the knowledge of authorities,” paliwanag pa niya.
Gayunpaman, nilinaw ni Sandoval na kailangan pa rin kumuha ng permiso sa pamahalaan ang mga ground handler na nangangasiwa ng mga private airstrips bago pa man payagan ang paglipad ng eroplano.
Bagamat wala pang detalye kung alin sa mga private airstrips ang ginamit ni Guo nang magtungo sa ibang bansa bunsod ng nakaambang mandamiento de arresto, patuloy naman aniyang nagsasagawa ng backtracking ang kawanihan sa private airstrip na posibleng ginamit sa pagtakas ni Guo.
Batay sa kwento ni Ong sa mga mambabatas na nag-iimbestiga sa pagtakas ni Guo, nagpalipat-lipat sila sa fishing boat at barko para makarating sa Malaysia.
Buwan ng Seytembre nang tuluyang nadakip sa Indonesia noong Setyembre sina Ong at Shiela Guo. Ilang araw ang lumipas, inaresto ng Indonesian authorities si Guo.
