KASABAY ng paglabas ng Interpol blue notice, muling idiniin sa flood control scandal ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa panibagong video upload sa kanyang Facebook page, idinetalye ni Co ang umanoy P56-bilyong “deliveries” para kina Romualdez at Marcos.
Katunayan aniya, agad siyang inutusan ni Romualdez na magdeliver ng P2 bilyon kada buwan matapos mailuklok sa pwesto bilang chairman ng House Appropriation Committee.
Matapos ang ilang araw, isang tawag naman aniya ang kanyang natanggap mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo para humingi ng pabor kaugnay ng perwisyong baha sa lalawigan ng Bulacan.
Ilang araw pa ang nagdaan, dumating naman aniya sa kanyang tanggapan si DPWH Bulacan Engineer Henry Alcantara – at doon na umano nagsimula ang usapan tungkol sa hatian sa mga proyekto.
“Sa naging meeting namin ni Alcantara, siya mismo ang nag-offer kung paano ang hatian sa mga proyekto ng DPWH. 22% para kay Speaker Romualdez, 2% para kay Usec. Bernardo, at 1% para sa kanya. Doon po nagsimula ang tinatawag nilang ‘deliveries,’” ani Co.
Ayon kay Co, ang kanyang mga tao na sina Paul Estrada at Mark Tecsay ang tumatanggap ng pera mula sa mga tauhan ni Alcantara. Pagkatapos makuha ang pondo, sila raw ang nakikipag-uugnayan kay Jocelyn Sereño na tauhan ni Romualdez para sa aktwal na delivery.
“Una, sa North Forbes Park sa McKinley Drive, at nang lumipat siya sa No. 14 Narra Street, South Forbes Park,” sabi niya.
Paglilinaw ng puganteng kongresista, hindi niya kailanman pinakialaman ang proseso. Gayunpaman, aminado si Co na sa kanyang dumadaan ang perang inihahatid kina Romualdez at Marcos.
Sa kabuuan, pumalo umano sa P55 bilyon ang kanyang idineliver kay Romualdez na siya naman aniyang nagbibigay sa Pangulo ng napagkasunduang parte sa flood control kotong.
Nobyembre ng nakalipas na taon naman nang ibukod ang delivery ng pera sa Pangulo. Ang dahilan — wala umanong nakakarating sa kanya sa tuwing pinapadaan kay Romualdez ang pera.
