
WALANG nakikitang senyales si Senate President Francis Escudero na magpapatawag ng special session ng Senado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, nilinaw din ni Escudero na hindi nakatanggap ang Mataas na Kapulungan ng kahilingan mula sa proponents o opponents ng impeachment laban kay Duterte na magpatawag ng special session kaya hindi nito inaalala habang nakabakasyon ang Kongreso.
“Wala po. Pero syempre pag nagpatawag ang Pangulo, anong gagawin namin? Eh di kailangan namin mag-attend,” ani Escudero.
Naunang inihayag ni Marcos na bukas siya sa pagtawag ng special session pero nilinaw na dapat manggaling sa Senado ang orihinal na kahilingan.
Sinabi naman ni Escudero na walang dahilan kung hihiling sila ng special session base sa mga nakaraang impeachment cases na hindi minadali. Nilinaw din niya na walang senador na nagsusulong ng naturang kahilingan.
Kamakailan, hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III kay Marcos na magpatawag ng special session para talakayin ang “unfinished” legislative matters.
“Hindi espesyal si Vice President Sara Duterte. Hindi espesyal ang posisyon ng Vice President para yung sa kanya madaliin namin, sa Chief Justice hindi, sa Ombudsman hindi. Pare-pareho lamang silang impeachable officers na sa ilalim ng Konstitusyon ay dapat tratuhin din ng pare-parehas — walang labis, walang kulang, walang nakakalamang, walang naaapi,” aniya.
Una nang pinagtibay ng Kamara – sa bisa ng lagda ng 215 kongresista – ang 4th impeachment complaint na inihain laban sa bise presidente .
Isinumite ang impeachment complaint sa Senado ngunit nag-adjourn din nang hindi tinalakay ang reklamo kaya magsisimula ang paglilitis sa Hunyo pagkatapos ng May 12 elections.
Kabilang sa pitong Articles of Impeachment laban kay Vice President Duterte ang:
- Conspiracy to assassinate President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, and Speaker Martin Romualdez
- Malversation of P612.5 million in confidential funds with questionable liquidation documents
- Bribery and corruption in the Department of Education (DepEd) during Duterte’s tenure as Education Secretary, involving former DepEd officials
- Unexplained wealth and failure to disclose assets in her Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), with her wealth reportedly increasing fourfold from 2007 to 2017
- Involvement in extrajudicial killings in Davao City
- Destabilization and public disorder efforts, including boycotting the State of the Nation Address (SONA) while declaring herself “designated survivor,” leading rallies calling for Marcos Jr.’s resignation, obstructing congressional investigations, and issuing threats against top officials
- The totality of her conduct as Vice President. (ESTONG REYES)