
SA kabila ng mahigpit na panuntunan sa paggamit ng exclusive bus lane sa kahabaan ng EDSA, isa na namang politiko ang nakaladkad sa panibagong bulilyaso – at tulad ng dati, inako ng tsuper ang kastigo.
Sa ulat ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), dakong alas 3:00 ng hapon nang parahin sa Ortigas Busway Station ang tatlong magkakasunod na sasakyan – kabilang ang itim na Suburban SUV – dahil sa paggamit ng exclusivelane para sa mga pampasadang bus.
Nang sitahin, nagpakilala umano ang hindi pinangalang drayber na siya’y bahagi ng security detail ni former Senator Manny Pacquiao na kabilang sa mga pambato ng administrasyon sa nalalapit na senatorial race sa May 2025 midterm election.
Kwento ng enforcer, kargado rin ng blinker at wang-wang ang pinarang sasakyan. Maya-maya pa, humarurot umano ang convoy palayo. Gayunpaman, laking gulat ng mga enforcers nang bumalik ang Toyota van para tanggapin ang citation ticket para sa patong-patong na paglabag sa batas trapiko.
“The DOTr-SAICT ticketed at 3:00PM today a convoy linked to former Senator Manny Pacquiao for unauthorized use of the EDSA Busway lane,” ayon sa ahensya.