MATAPOS iprisinta ng House prosecution panel ang mga ebidensya at testigo sa tinaguriang P612.5-million ‘confiscam,” may isang tanong ang naiwan at dapat lamang magkaroon ng kasagutan: Sino ang nagbigay kumpas sa paglustay ng pondo. Sa isang kalatas, nanindigan si dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na tumatayong House impeachment adviser at spokesperson, hindi lamang ang paglabas ng confidential funds ang masusing tinignan ng prosekusyon kundi ang buong cash trail — mula sa request, check encashment, pag-turnover, disbursement at liquidation. Sa ilalim ng Article I ng impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte, inireklamo ang pangalawang pangulo ng maling paggamit ng P500 million confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP), bukod pa sa P112.5 milyong pondo sa Department of Education (DepEd) sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim. Sa mga nakalipas na pagdinig ng Senate impeachment court, inilatag ng prosecution ang Commission on Audit (COA) findings sa P448.287-million ng OVP confidential funds. Ayon kay Barbers, kabilang dito ang nagasta na P73.287 million para sa fourth quarter ng 2022 at ang P69.787 million na ginamit bilang rewards ay kulang ang supporting documents para sa liquidation, habang kinuwestyon ang P3.5 million na ginamit sa pagbili ng equipments, kung saan ang kabuuang P375 million na narelease ng OVP para sa unang tatlong quarters ng 2023 ay inisyuhan ng COA ng notices of disallowance. “Totoong pera ang inilabas. Totoong sagot ang dapat ibalik sa bayan,” diin ni Barbers hinggil sa nasabing COA findings, kasabay ng giit na ang layunin ng prosekusyon ay matukoy kung ang pondo ay napunta sa lehitimong tao at ginamit sa authorized confidential activities. Dagdag ng dating mambabatas hinggil sa OVP cash trail, sa naibigay na salaysay ng prosecution witness ay lumalabas na P125 million cash ang nai-withdraw, inilagay sa apat na travel bag at saka direktang ibinigay kay Col. Raymund Dante Lachica, alinsunod umano sa utos ni Duterte. Sinabi rin ni former OVP SDO Gina Acosta, na isa sa naging hostile witness ng panig ng tagausig, mayroong pang hiwalay na P375 million ang binigay kay Lachica sa tatlong pagkakataon noong 2023, sa utos pa rin ng nasasakdal. Sa naging pagharap naman sa impeachment court ng isang opisyal ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa 2,669 na mga pangalang nakalagay sa acknowledgement receipts (ARs) na isinumite ng OVP at DepEd bilang nakatanggap umano ng kanilang confidential funds, 1,685 sa mga ito ay walang birth, marriage o death records, 37 naman ang mga patay na umano at 28 naman ay minor de edad. Nang iprinisinta naman ng prosekusyon ang DepEd cash trail, tatlong tseke na P37.5 million o kabuuang P112.5 million ang na-encashed ni former SDO Edward Fajarda at sa utos din ng noo’y Education secretary na si Duterte, ay ibinigay ang pera kay Col. Dennis Nolasco. Kaya naman sinabi ni Barbers na kung titignan mabuti, iisa ang pattern o cash trails sa OVP P500 million confidential funds at DepEd P112.5 million confidential funds, na matapos ma-withdraw ng SDOs at sa direktiba ni Duterte ay ibibigay ang buong pera sa kanyang head of security. “Huwag tayong tumigil sa nagbitbit ng bag. Sundan natin kung sino ang nagbigay ng direksyon… confidential ang operasyon. Hindi confidential ang pananagutan.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Giyera na: Marcos resign, panawagan hirit ni Sara