MATAPOS ang halos dalawang buwan, tiniyak ng Senado na may mananagot sa kapalpakang humantong sa tigil operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong unang araw ng Enero.
Ayon kay Senador Grace Poe, gawa na – at nakatakdang ilabas sa susunod na linggo ang rekomendasyon ng Senate Committee on Public Services sa isinagawang pagdinig kaugnay tinatawag na ‘new year’s glitch’ sa NAIA.
Pahayag pa ng senador, nakasentro ang committee report sa totoong nangyaring humantong sa pagkaparalisa ng operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa. Aniya may mga nadiskubreng bulilyaso sa hanay ng mga ‘nasa pwesto.’
Pasok rin sa committee may rekomendasyon na rin aniya para sa remedyo sa umiiral na sistema,at mga personalidad na pinaniniwalaang nagpabaya sa kani-kanilang trabaho sa ilang tanggapan ng gobyerno.
“There’s a confluence of factors that contributed to the glitch. This is a long-standing problem with the CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) because it spans several administrations. The fact that it is allowed to operate without adhering to proper maintenance protocols is in itself a violation,” sambit ng senador.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang komite noong nakaraang buwan usa hangaring tukuyin ang mga pangunahing dahilan sa nangyaring technical glitch noong Bagong Taon matapos mag-shutdown ang management system ng CAAP.
Mahigit 600 flights ang nakansela sanhi ng technical glitch – may naantala at naibaling sa ibang lugar na lubhang nakaapekto sa mahigit 65,000 pasahero.
Nitong Pebrero 6, pinangunahan ni Poe ang inspeksyon sa air traffic management center ng CAAP sa Pasay City kung saan matatagpuan ang dispalihadong automatic voltage regulator na nagsusuplay ng kuryente sa traffic control system.
“There’s a proposal to put up an airport authority just like the ports authority so that CAAP will not be operating and doing the policies for running the airport at the same time,” aniya pa.
Aniya, kabilang ang legislative proposal ng komite ang pagpapabilis ng pagsasabatas ng panukalang paglikha ng National Transportation Safety Board na natatanging ahensyang tututok sa lahat ng imbestigasyon sa lahat ng uri ng aksidente sa himpapawid, highway, riles ng tren, pipeline at karagatan.