MATAPOS ang tatlong buwan, wala pa rin sinasampang kaso laban sa alkalde ng bayan ng Maco, Davao de Oro kung saan 102 ang binawian ng buhay bunsod ng landslide na hindi sana mangyayari kung hindi sa kapabayaan ng mga lokal na opisyales.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Disaster Resilience, inirekomenda ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na kasuhan sina Maco, Davao de Oro Mayor Voltaire Rimando at Barangay Masara Chairman Douglas Dumalagan Jr.
Gayunpaman, tinutulan ni Cagayan de Oro Rep, Rufus Rodriguez ang hirit ni Tulfo sa paniwalang masyadong mabigat ang parusa kung kakasuhan sina Rimando at Dumalagan.
Sa halip na suspensyon, “reprimand” na lang muna aniya ang ipataw sa alkalde at kapitan ng barangay – bagay na tinabla ni Tulfo.
“Hindi po pwede palampasin ito, may namatay eh. 102 po iyon. Ano na lang sasabihin ng mga nanonood ng hearing na ito, na nagkwento-kwentuhan lang tayo rito, kailangan ng result, we need result,” sagot ng ACT-CIS partylist solon, kasabay ng giit na hustisya rin di umano sa mga biktima ng trahedya ang nais ni House Speaker Martin Romualdez.
Dito na gumitna si panel chairperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na agad nagpatawag ng caucus kung saan napagkasunduan suspensyon na lang sa halip na kasuhan ang dalawang local executives.
Buwan ng Pebrero nang tabunan ng lupa bunsod ng landslide ang mga bus kung saan nakasakay ang mga empleyado ng Apex Mining. Hagip din sa naturang insidente ang mga kabahayan nakatirik sa lugar na klasipikadong “no build zone.”
