HINDI angkop na palaging kinakalampag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tuwing may kalamidad.
Hirit ni Sen. Alan Peter Cayetano sa DWSD – automatic inclusion sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa mga apektadong pamilya sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Sa kalatas ni Cayetano, binigyang-diin ng senador ang aniya’y bahagi ng mandato ng DSWD – ang magbigay agapay sa mga biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol at iba pang uri ng hindi inaasahang kaganapang dulot ng tao o kalikasan.
Sa pananalasa ng Tropical Depression Amang sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas, iginiit ni Cayetano ang kanyang panukalang gawing beneficiary ang mga biktima ng kalamidad sa 4Ps bilang pangmatagalang tulong ng pamahalaan.
“Ang 4Ps, ginawa iyan para ma-break ang intergenerational poverty. At isa sa causes ng intergenerational poverty ay yung hindi makabangon ang mga pamilyang apektado ng kalamidad,” pahayag ni Cayetano noong April 13, 2023.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 11 probinsya ngayong Huwebes habang tinatahak ni Amang ang Caramoan sa Camarines Sur.
“Ang DSWD, bibigyan ng immediate financial assistance ang mga pamilyang apektado ng bagyo, lindol, or whatever natural calamity. Then within 15 to 30 days ia-assess y’ung economic status ng pamilya,” ani Cayetano.
Mungkahi ng senador, gawing beneficiary ng 4Ps sa loob ng isang taon ang mga indibidwal na “not rendered as poor” ng kalamidad, habang ang mga indibidwal na “rendered as poor” ng kalamidad ay gawing beneficiary nang mas matagal.
Pormal na inihain ni Cayetano ang panukala noong July 18 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng Senate Bill No. 302 o ang 4Ps for Disaster Victims Act.
“This measure proposes to strengthen the 4Ps Law to aid our kababayan placed in unfortunate situations without their fault, such as in disasters,” aniya sa kanyang Explanatory Note.
Ayon sa Asian Disaster Reduction Center, ang Pilipinas ay nakapaloob sa typhoon belt ng Pacific region kaya humigit-kumulang 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon. Sa naturang bilang, lima ang kadalasan aniyang mapaminsala.
Idinagdag ng senador na bagamat hindi kayang pigilan ng gobyerno ang mga sakuna, maaari nitong i-”empower” ang mga ahensya nito para kaunti lang ang mga pamilyang maapektuhan.
“It pays to be proactive. With knowledge, training, education, equipment, tools, and the right infrastructure to mitigate disasters, there would be less devastation,” aniya.
Panawagan pa niya sa publiko, makipagtulungan sa pagpapatupad ng mga hakbang sa pag-iingat sa panahon ng kalamidad.
“Wala namang ilalabas na babala ang ating gobyerno na ikapapamahamak natin. Huwag tayong matigas ang ulo para hindi lumala ang maging epekto ng bagyo sa ating buhay at mga ari-arian,” pahayag ng senador.