WALANG kinalaman sa humuhugong na planong kudeta ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kampo ng militar sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro, kasabay ng giit na karapatan ng Pangulo bisitahin ang mga sundalo sa kampo, kesehodang may banta o wala.
Ayon kay Castro, hindi dapat na iniintriga ang pag-ikot ng Pangulo sa mga kampo ng militar lalo pa aniya’t naturingang “commander-in-chief” ang presidente ng bansa, alinsunod sa 1987 Constitution.
“Hanggang may oras ang Pangulo, hindi ito dapat kinukuwestyon. Wala itong kinalaman kung mayroon mang isyu ngayon,” ani Castro.
Hindi rin aniya dapat bigyan ng malisya ang pagdaragdag ng benepisyo sa mga sundalo, partikular ang pagtataas sa base pay at subsistence allowance ng mga militar dahil tama lang na tapatan ng pagkilala ang sakripisyo para sa kaayusan at kapayapaan ng bansa.
“Kailangan lang naman natin ibigay dahil ang kanilang sakripisyo sa bayan, buhay nila ang nakataya,” aniya pa.
