PARA kay Davao City mayoralty candidate Atty. Karlo Nograles, hindi sapat ang paglikha ng maraming trabaho para sa mga Dabawenyo, kasabay ng giit na dapat puntiryahin ang mga hanapbuhay na may maayos na sweldo.
Ayon kay Nograles, na naging chairman ng Civil Service Commission (CSC), sa gitna ng tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa bansa, hindi lamang ang pagpapalakas sa job generations ang tutukan kundi ang makapagbigay ng trabaho makatutulong at makaagapay ng mga Dabawenyo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Giit ng three-term Davao City lawmaker, balewala ang sinasabing malakas na ekonomiya ng lungsod kung hindi naman ramdam o nagiging daan para mapabuti ang kabuhayan ng bawat Dabawenyo.
“As Davao continues to establish itself as an economic powerhouse, it must also provide the platform for Dabawenyos to benefit from these gains,” sabi pa ni Nograles.
Ibinahagi rin ni Nograles isa sa mga prayoridad na nakatala sa plataporma de gobyerno sa sandaling maluklok sa pwesto bilang alkalde ng Davao City. Aniya, hindi lang basta trabaho ang kailangan likhain ng lokal na pamahalaan.
“I believe that we can do this by providing not just more, but better jobs that will help families afford food and the studies of their children.,” giit pa ng long-time public servant.
Ayon kay Nograles, isusulong niya pagpapalakas sa Public Employment Services ng Davao City government, partikular ang pagkakaroon ng ugnayan sa BPO sectors para sa job generation program at pagtulong sa hanay ng local entrepreneurs sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang pagsasanay, financial at technical supports.
Nais din ng Davao City mayoralty candidate na maging prayoridad ang mga Dabawenyo sa pagkuha ng mga manggagawa sa mga pangunahing infrastructure projects sa lungsod.
“Ang prinsipyo natin sa mga proyekto ng Davao ay Dabawenyo First. Kung may makikinabang sa mga proyekto ng City Hall, dapat ang ating mga kababayan sa Davao,” aniya pa.
“This will not be a new endeavor for us. I believe that we can fine-tune our experiences to create a working blueprint for Davao. Para sa trabaho, taas-sahod, ug mas maayong kaugmaon.”
