KIMPARA sa mga nakalipas na taon, bahagyang nagluwag ang mga piitang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa datos ng kawanihan, nasa 358% na lang ang congestion rate ng mga BJMP jail facilities mula sa dating 387%.
Sa pagdiriwang ng ika-32nd anibersaryo nitong nakaraang Sabado, inamin ni Jail Director Ruel Rivera na bagamat bumaba ang congestion rate ay mahaba pa ang kanilang lalakbayin upang tuluyang matugunan ang overcrowding sa mga bilangguan.
Sa ngayon ay mayroong 479 jail facilities sa bansa, kabilang ang 142 bagong tayong pasilidad.
Sa nasabing bilang, nananatiling siksikan sa 329 bilangguan.
Tiniyak din ng opisyal na naghahanap pa rin sila ng iba pang mga pamamaraan upang mabawasan ang pagsisiksikan ng mga bilanggo sa mga piitan, gaya na lamang nang pagpapalaya sa mga ito sa takdang panahon.
Paniniguro ng BJMP chief, sa kasalukuyan ay wala silang mga overstaying na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa BJMP bunsod na rin ng masusing koordinasyon sa pagitan ng kawanihan at hukuman, gayundin ng masusing pag-monitor sa inaasahang araw ng paglaya ng mga bilanggo.