SINUSPINDE na ng Maynilad ang itinakdang gabi-gabing water service interruption sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ito’y kasunod na rin nang pagtaas ng water elevation sa Ipo Dam bunsod ng mga pag-ulan nitong nakaraang mga araw.
Sa abiso ng Maynilad, nabatid na hindi muna nila itutuloy ang pagpapatupad ng water service interruption sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Quezon City at Valenzuela.
“Pansamantang isususpinde ang scheduled daily water service interruptions sa ilang bahagi ng Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Quezon City at Valenzuela simula ngayon hanggang sa susunod na abiso,” anunsyo pa ng Maynilad.
“Ang mga pag-ulan nitong nakalipas na araw dulot ng #DodongPH ay nakatulong mapataas ang water elevation sa Ipo Dam, dahilan kung bakit patuloy naming natatanggap mula sa Portal ang 2,400 MLD (million liters per day) na aming kailangan para mapanatili ang normal na serbisyo sa kabila ng mas mababang water allocation mula sa Angat Dam,” anang Maynilad.
Sinabi ng Maynilad na ibabalik lamang nila ang daily service interruptions kapag tumigil na ang water inflows sa Ipo Dam dala ng mga pag-ulan, at muling maramdaman ang kabuuang epekto ng 48 CMS allocation.
Tiniyak naman ng water concessionaire na magbibigay sila ng kaukulang abiso bago muling magpatupad ng water interruptions